Isang Dakot Na Salita, Isang Basong Gunita

Sunday, January 22, 2006

"May Mga Bagay Na Hindi Dapat Pag-isipan"

Ang tuyot na dahon
Sa ihip ng malikot na hangin
Ayaw ko nang uriratin
Kung saan siya nanggaling
Siya'y dahon na tuyot
Sapagkat siya'y dahon na tuyot
Kung paano, saan at bakit siya umiiral
Dapat ba talagang malaman?
Madalas ang tama ay nagiging mali
At ang mali ay nagiging tama pa
Sapagkat ang ilang mga tao
Masyadong nagmamatalino
Sinusunod lagi ang sariling prinsipyo
Gumagawa ng sarili nilang mga batas
Walang Diyos na sinasamba sa itaas
Gustong alamin ang lahat ng bagay
May sagot nga ba sa lahat ng katanungan?
Kapag tayo ba ay nagmamahal?
Nasusukat ba ng mga dangkal?
Naaarok ba ng lohika
Ang pag-ibig, ang kaluluwa?
May mga bagay na hindi dapat pag-isipan
May mga bagay na dapat pakiramdaman lang
Sapagkat tayo'y di mga Diyos
Tayo'y mga tao lamang...




"May Mga Bagay Na Hindi Dapat Pag-isipan" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home