"Kung Sa Kinikitang Salapi"
Kung sa kinikitang salapi
Nasusukat ang pagwawagi
Kung sa kinikitang salapi
Natitimbang ang galing at puri
Paano na ang traysikel drayber
Na madilim pa ay namamasada na
Upang kumita ng kaunting barya
Pambili ng bigas at tinapa
Na kakainin ng kanyang pamilya
Mahihiya rin siguro
Ang tindero ng taho
Na nagkakandakuba maghapon
Upang anak at asawa'y di magutom
Sa impyerno na ba mapupunta
Ang bata na nagtitinda ng sampagita
Kinikita nya ay kulang pa
Na pambili ng sapin sa paa
Magiging sukdol ang kabanalan
Ng mga pulitikong swapang
O ng ilang mga businessman
Na ubod ng yaman
Na ang puhunan pala
Ay dugo at kadayaan
Kung sa kinikitang salapi
Nasusukat ang galing at puri
Ganito nga siguro ang mangyayari
Mabuti na lamang at hindi
Sapagkat may tinatawag rin tayong
Dangal at malinis na budhi
"Kung Sa Kinikitang Salapi" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home