"Paglalayag Sa Ibabaw Ng Kape"
Sa pag-ihip ng malamig na hangin
At kulimlim na nagdadala sa atin
Sa iba't ibang ideya at damdamin
Natin sinisimulang lakbayin
Ang daigdig ng mga antukin
Kaysarap magsagwan sa ilalim ng buwan
Habang kapeng umuusok ay ating tangan
Kaysarap namnamin ng ngiti mong matamis
Mata mong anong pungay
Tinatanggal ang aking hapis
Kayrami na nating napupuntahan
Pag-ibig, buhay at iba pang kakornihan
Halakhak mo minsan ay umaalingawngaw
Maya-maya mata mo ay di ko na matanaw
Nakayuko ka lamang at di gumagalaw
Lumubog lumitaw ang balsang usapan
Bumilis bumagal ang andar ng kwentuhan
Lumalim bumabaw ang tubig na paksaan
Kapeng iniinom natin na para ring kaibigan
Ang sya ring dagat na ating pinaglalakbayan
"Paglalayag Sa Ibabaw Ng Kape" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home