Isang Dakot Na Salita, Isang Basong Gunita

Thursday, November 24, 2005

"Bumagsak Ang Himpapawid"

Dinambong na mga sulyap
Ibong ligaw na di makalipad
Ipagtapat mo na sa akin
Ako'y tuliro at antukin
Gusto kong mapasaakin
Ang iyong pusong nagniningning
Bumagsak ang himpapawid
Ang puso ko'y iyong sinungkit
Ang awit mong bumihag sa pandinig
Ang bayabas sa hardin
Kumikislap sa aking paningin
Hamog na kumukumot sa bukid

Tuesday, November 15, 2005

"Ang Dalumat Ng Ating Pag-iral"

Sino tayo?
Tayo'y mga unggoy na naging tao.
Tayo'y mga anak ng Diyos.
Tayo'y mga kimpal ng tubig.
Tayo'y mga libag sa balat ng lupa.
Tayo'y mga lumulutang na enerhiya.
Tayo'y mga sentimental na walang kwenta.
Tayo'y mga walang magawang puta.

Bakit tayo naririto?
Dahil tayo'y nag-iisip.
Dahil tayo'y nananampalataya.
Dahil tayo'y umiibig.
Dahil tayo'y walang magawa.
Dahil tayo'y natrapik sa kalye ng
putang inang buhay.
Dahil tayo'y iniluwa ng impiyerno.
Dahil tayo'y masyadong banal
para sa langit.

Saan tayo patutungo?
Sa impiyerno.
Sa langit.
Sa kanal.
Sa tabi ng asong nagkakamot ng bayag.
Sa loob ng TV.
Sa alaala.
Babalik sa pwerta ng ating mga ina.


"Ang Dalumat Ng Ating Pag-iral" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.

Friday, November 04, 2005

"Saang Sulok Ko Isusuksok Ang Aking Pag-ibig?"

Saang sulok?
Saang sulok?
Saang sulok ko isusuksok
ang aking pag-ibig?
Saang lugar tayo maaaring
magmahalan
Nang walang hahadlang
At walang makikialam?
Saang sulok ng isipan?
Saang sulok ng puso?
Saang sulok ng pang-unawa
Natin matatagpuan
Ang paraiso ng ating pagmamahalan?
Saan?
Oh...saan?


"Saang Sulok Ko Isusuksok Ang Aking Pag-ibig?" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.