"Sa Paglangitngit Ng Mga Kawayan"
Habang tinatangay ang mga tuyot na dahon
Ng hanging malamig, busilak at mahinahon
Ako'y napapadpad sa alaala ng kahapon
Napapangiti, napapaluha, sa bilis ng panahon
Sa tuwing ako ay nagsisimulang magduyan
Sa nakaaantok na simoy ng nakaraan
Sa paglangitngit ng mga kawayan
Nasasariwa ang naglahong kamusmusan
Ulan, bagyo, baha at putik
Kalabaw, bibe, kambing at itik
Mga palay at sampalok na namumutiktik
Sa alaala ng aming pagtira sa bukid
Sa umaga ako ay maagang gumigising
Gatas ng kalabaw ang inuulam namin
Nagwawalis na ng bakuran si inay
Habang si itay ay nagbabayo ng palay
Si lola, si lolo at saka si tito
Mga tita, pinsan, at makulit na aso
Sama-samang nanghuhuli ng bulig at hito
Habang ako ay nakaakyat sa puno
Duhat, bayabas, mangga at saging
Pinagsawaan ko sa malawak na bukirin
Talangka, palaka at maliliit na isda
Aming hinuhuli sa pilapil at sapa
Masarap ang gulay na luto ni nanay
Talong, okra, at mais na ginulay
Mais na ginulay na may malunggay!
Masarap kainin kapag may kasabay
Saranggolang bigay sa akin ni tatay
Mataas ang lipad at maraming kulay
Una't huling saranggolang bigay
Ng aking masipag at mabait na itay
Sa tuwing ako ay napapatanaw sa kawayan
Habang umiihip ang hanging amihan
Kayraming gunita ang aking nasasalang
Sa paglangitngit ng mga kawayan
Kawayan, kawayan, sa pagyuko ng kawayan
Aking nakalipas ay nalilingunan
Habang tumataas nga daw ang kawayan
Mas humahalik sa lupa kapag nahanginan
"Sa Paglangitngit Ng Mga Kawayan" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home