"Bumagal Muna Ang Paggalaw"
Bumagal muna ang paggalaw
Ng mga bagay sa aking paligid
Kahit mga boses at busina ng sasakyan
Ay animo'y naging mga alingawngaw
Pagkatapos ay mga nakabibinging
Paglagutok at pagkabarag ng mga pader
Mga bakal, tanso at semento
Ay nagtilamsikan at parang
Mga papel at pisi na lamang
Na napupunit at napipigtas
Nagliparan ang mga piraso
Ng lahat uri ng matitigas na bagay
At para bagang nagsipagsayaw
Sa ingit at langitngit ng mga yero
Umindayog, lumutang
Sa tunog ng mga nababasag na salamin
Umangat sa lupa ang lahat ng bagay
At parang hinihigop na ng langit
Ang mundo ay naging isang
Magarang larawang unti-unting
Nalulusaw sa di malamang kadahilanan
Parang isang rebultong putik
Na pinipihit at nilalamukos
Ng isang malakas at nakagigimbal na pwersa
Ilang matutulis na bato ang tumagos
Sa laman ng mga puting kalapati
At ang ilang mga pulang rosas ay nalagasan
Ng mga talulot, na biglang naging abo
Apoy, alikabok at kumukulong putik
Ang naghari sa buong paligid
Nawasak ang aking mundo
Nang ako ay iniwan mo
"Bumagal Muna Ang Paggalaw" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home