Isang Dakot Na Salita, Isang Basong Gunita

Wednesday, August 02, 2006

"Sabihin Mong Walang Diyos"

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay tumingin ka sa langit
Masdan mo ang mga tala
Malasin mo ang kislap ng mga bituin

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay masdan mo ang mga bata
Panoorin mo silang maglaro at tumawa
Sundan mo ng tanaw ang kanilang mga mata

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay yakapin mo ako
Pakiramdaman mo ang aking pag-ibig
Damhin mo ang init ng aking pagmamahal

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay pumitas ka ng pulang rosas
Langhapin mo ang bangong nagmumula rito
At saka ipitin sa paboritong mong libro

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay tumingin ka sa langit
Masdan mo ang maitim na usok
Hanapin mo ang liwanag ng araw

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay masdan mo ang mga bata
Pakinggan mo ang kanilang mga iyak
Silang walang malay, biktima ng digma

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay yakapin mo ako
Damhin mo ang galit sa aking puso
Sundan mo ang lohika ng aking pagkabigo

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay pumitas ka ng pulang rosas
Kasimpula ba ito ng dugo sa lansangan?
Nasaan na nga ba ang kapayapaan?



"Sabihin Mong Walang Diyos" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home