Isang Dakot Na Salita, Isang Basong Gunita

Thursday, December 22, 2005

"Salamat Sa Pasko"

Salamat sa parol
Salamat sa christmas tree
Salamat sa mga liwanag
Salamat sa mga dilim

Salamat sa keso de bola
Salamat sa tinapa
Salamat sa regalong tasa
Salamat sa regalong pantasa

Salamat sa ngiti
Salamat sa kwento
Salamat sa yakap
Salamat sa halik

Salamat sa malamig na hangin
Salamat sa musikang pamasko
Salamat sa aming tahanan
Salamat sa aking pag-uwi

Salamat sa pag-asa
Salamat sa pagbabago
Salamat sa pagpapatawad
Salamat sa pag-ibig

Salamat sa langit
Salamat sa lupa
Salamat sa puno
Salamat sa paruparo

Salamat sa mga taong mahal ko
Salamat sa bigay mong regalo
Salamat sa pagbati mo ng maligayang pasko
Salamat sa iyo

Salamat sa Diyos
Salamat sa mundo
Salamat sa buhay
Salamat sa pasko

Thursday, December 08, 2005

"Tula Mula Sa Isang Basong Alak"

Umiinom ako ng alak
Nang biglang bumulwak mula sa alak
Ang isang inaantok na tula
Malamya ang kanyang kilos
Mapungay ang kanyang mga mata
Marahan ang kanyang pagsasalita

Mapait ang alak
Ngunit mas mapait ang tula
At sa gayong kadahilanan
Ay tumamis ang alak
Walang bahid ng tamis
Walang bakas ng tabang
Ang tula mula sa isang basong alak

Habang unti-unting nauubos ang alak
Ay unti-unti namang sumisigla ang tula
Nagiging malikot
Nagiging masalita
Parang nalalasing ang tula
Ngunit marahil ay ako ang nalalasing
Hindi sa alak, kundi sa tula