Isang Dakot Na Salita, Isang Basong Gunita

Monday, May 15, 2006

"Ang Pinakamahabang Tula"

Bakit hindi maari
Na ikaw ay kabigha-bighani
Kung mangyayaring
Lahat ng bagay sa mundo
Ay kabigha-bighani rin naman?
Dito tayo tumigil
Dito tayo huminto
Saan ito patutungo?

Sunday, May 14, 2006

"Unang Ulan Ng Mayo"

Kaysarap.
Kaylamig.
Muling umulan.
Muling nabuksan.
Ang kahapon, ang nakaraan.
Aking natanaw, malinaw,
Ang bukas.
Ang hinaharap.
Ulan, anong hiwaga ang taglay mo?
Ulan, pagkatapos ng mahabang tag-init.
Init ay sumingaw.
Napawi ang uhaw.
Ng ilog, ng damo, ng mga bulaklak.
Ng aking kaluluwa.
Ng aking isip.
Mga pangarap ay muling umandap.
Nagliwanag.
Lamig ng hangin.
Patak ng ulan.
Kulimlim ng himpapawid.
Mga basang kakalsadahan.
Lamig. Malamig. Maginaw.
Yakapin mo ako.
Mahal ko, yakapin mo ako.
Pangarap, hanapin mo ako.
Ulan, hugasan mo ang aming buhay.
Linisin mo ang aming mga takot.
Lunurin mo ang aming mga galit.
Pawiin mo ang uhaw
Ng aming mga puso.



"Unang Ulan Ng Mayo" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.

Monday, May 08, 2006

"Tunay Na Pag-ibig"

Parang sirang TV
Lalo na pag walang keybol
Pag-ibig na tunay
Malabo

Parang Hapon na nag-i-Ingles
O kaya ay babaeng mayroon
Pag-ibig na tunay
Hindi maintindihan

Parang ewan
Parang kabaklaan
Pag-ibig na tunay
Hindi sigurado

Parang ganda o talino
Kung alin ang pipiliin mo
Pag-ibig na tunay
Nakalilito

Parang konsepto ng Diyos
Malabo, hindi maintindihan,
Hindi sigurado, nakalilito
Pag-ibig na tunay
Pananampalataya sa mahal mo...


"Tunay Na Pag-ibig" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.

"Simula"

Kailangan kong magsimula
Ng Diyos
Ako'y tulungan nawa
May mga bagay na
Kailangang mawala

Hindi laging dumarating
Ang oportunidad sa atin
Hindi laging maliwanag
Ang sikat ng araw
Bawat segundo
Ituring na huling yugto
Ng pagkakataong magbago
Magsimula
Bumangon
Sa pinanggalingan
Huwag limuting lumingon

Itanong sa sarili
Anong mga bagay ang mas
mahalaga?
Mag-isip
Langhapin ang sariwang hangin
Namnamin ang tamis ng buhay
Subalit isipin rin na
Hindi laging tag-araw
Sapagkat darating
At darating ang ulan
Ang unos
Ang dilim
Maging handa

Simula
Kailangan kong magsimula
Huwag maging pabaya
Tipunin lahat ng biyaya
Huwag tumunganga
Magsimula
Gumising
Lumakad
Tumakbo
Lumipad
Abutin ang pangarap
Na hinahangad


"Simula" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.

Thursday, May 04, 2006

"Wala"

Wala akong maisip na tula
Wala akong maisip na kataga
Parirala, salita
Kuko, paa...
Walang tugma
Hindi napag-isipan
Chaos
Magulo
Latang-lata ako
Isip ko
Ako
Mundo ay
Kulay abo
Bakit kaya
Kailangan nga bang laging
May saysay
Ang mga bagay
Baligtaran
Simile
Metapora
Kausapin mo ang isang tao
Magpaliwanag
Walang ligoy
Tuwid
Walang pasaring
Mabuhay nang masaya
Lumigaya
Piliin ang katotohanan
Sinong kausap ko?
Ako
Ikaw
Tayo
Yung paa ko
Bolpen, papel
Inaantok na ako

Tuesday, May 02, 2006

"Ang Ating Sandata"

Kailangan nating lumaban
Paghihirap natin ay wakasan
Labanan ang katiwalian
Labanan ang kahibangan

Sandata natin ay nag-aapoy
Sandata natin ay makapangyarihan
Lumiliyab sa dilim
Bunga ng masidhing damdamin

Pag-ibig namin sayo
Pag-ibig na totoo
Magkaisa, magsakripisyo
Susulong na tayo

Sugod na sa labanan
Sugod na sa digmaan
Wakasan ang kahirapan
Wakasan ang kamangmangan

Sasabog na ang taumbayan
Bubulusok ang katarungan
Inaping sambayanan
Matututong lumaban

Pag-ibig namin sayo
Pag-ibig na totoo
Sandata ng pagbabago
Laban pa, bayan ko...


"Ang Ating Sandata" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.