"Hindi Napupulot Ang Karanasan"
Hindi napupulot ang karanasan
Hindi nililipad ng hangin
Sa ating harapan
Hindi natatalisod sa daan
Iba iba ang ating natatagpuan
Sa paglalakbay natin sa kalawakan
Mga hilaw na nakaraan
Butil ng gunita at usapan
Mga piraso ng tawanan
Hikbi, iyak, damayan
Umaraw man o umulan
Lindol, baha at digmaan
Mga hilaw na bubog ng karanasan
Ang ating dinadala't iniiwan
Dadaan muna sa init ng isipan
Pagmumuni at kabanalan
Bago sila maging karanasan
Na magagamit sa pakikipagsapalaran
Sa buhay, pag-ibig, pakikipagkaibigan
Hindi napupulot ang karanasan
"Hindi Napupulot Ang Karanasan" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.