Isang Dakot Na Salita, Isang Basong Gunita

Thursday, August 17, 2006

"Balat Ng Kendi"

Tara, isip
Subukan nating pumunta
Sa daang madamo
Balat ng kendi oh
Tingnan mo
Kulay pula
Naalala ko tuloy
Ang isa kong kaibigan
Na minsang nagsabing
Gusto nyang maging manunulat
"Bakit naman?" tanong ko
"Kasi nakakita ako ng
balat ng kendi sa lamesa,"
sabi ng kaibigan ko
Ang labo
Balat ng kendi
Ano ang mayroon sa balat ng kendi?
Ano nga ba?
Ano ang mayroon sa abortion?
Sa corruption?
Sa human rights violation?
Population explosion?
NPA?
Oil deregulation?
Kahirapan?
Baklang itinatago ang kasarian?
Batang lansangan?
Sugal?
Patayan dahil sa lupa?
Sumobra na ba sa kasikatan?
Mga isyung panlipunan?
Kayat ordinaryo na lamang?
Kayat natanggap na lamang?
Natanggap na nga ba lamang?
Balat ng kendi
Ang Pilipinas ay balat ng kendi.



"Balat Ng Kendi" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.

Monday, August 14, 2006

"Bumagal Muna Ang Paggalaw"

Bumagal muna ang paggalaw
Ng mga bagay sa aking paligid
Kahit mga boses at busina ng sasakyan
Ay animo'y naging mga alingawngaw
Pagkatapos ay mga nakabibinging
Paglagutok at pagkabarag ng mga pader
Mga bakal, tanso at semento
Ay nagtilamsikan at parang
Mga papel at pisi na lamang
Na napupunit at napipigtas
Nagliparan ang mga piraso
Ng lahat uri ng matitigas na bagay
At para bagang nagsipagsayaw
Sa ingit at langitngit ng mga yero
Umindayog, lumutang
Sa tunog ng mga nababasag na salamin
Umangat sa lupa ang lahat ng bagay
At parang hinihigop na ng langit
Ang mundo ay naging isang
Magarang larawang unti-unting
Nalulusaw sa di malamang kadahilanan
Parang isang rebultong putik
Na pinipihit at nilalamukos
Ng isang malakas at nakagigimbal na pwersa
Ilang matutulis na bato ang tumagos
Sa laman ng mga puting kalapati
At ang ilang mga pulang rosas ay nalagasan
Ng mga talulot, na biglang naging abo
Apoy, alikabok at kumukulong putik
Ang naghari sa buong paligid
Nawasak ang aking mundo
Nang ako ay iniwan mo



"Bumagal Muna Ang Paggalaw" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.

Sunday, August 13, 2006

"Kung Corny Na Ang Pagtula"

Kung corny na ang pagtula
Sana ay patay na ako
Kung nakakatawa na ang magmahal
Sana ay patay na ako

Kapag nabibili na ang pangangarap
Kapag walang nang taong ngumingiti
Kapag wala nang pagmamahal sa puso ng bawat isa
Kapag wala nang batang naglalaro at tumatawa
Kapag wala nang musikang nakahahalina
Kapag ang bukas ay wala nang siglang dala
Kapag di na kilala ng tao ang pag-asa
Kapag sa aking tabi ika'y wala na

Sana ay patay na ako.




"Kung Corny Na Ang Pagtula" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.

Wednesday, August 02, 2006

"Sabihin Mong Walang Diyos"

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay tumingin ka sa langit
Masdan mo ang mga tala
Malasin mo ang kislap ng mga bituin

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay masdan mo ang mga bata
Panoorin mo silang maglaro at tumawa
Sundan mo ng tanaw ang kanilang mga mata

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay yakapin mo ako
Pakiramdaman mo ang aking pag-ibig
Damhin mo ang init ng aking pagmamahal

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay pumitas ka ng pulang rosas
Langhapin mo ang bangong nagmumula rito
At saka ipitin sa paboritong mong libro

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay tumingin ka sa langit
Masdan mo ang maitim na usok
Hanapin mo ang liwanag ng araw

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay masdan mo ang mga bata
Pakinggan mo ang kanilang mga iyak
Silang walang malay, biktima ng digma

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay yakapin mo ako
Damhin mo ang galit sa aking puso
Sundan mo ang lohika ng aking pagkabigo

Sabihin mong walang Diyos
Pagkatapos ay pumitas ka ng pulang rosas
Kasimpula ba ito ng dugo sa lansangan?
Nasaan na nga ba ang kapayapaan?



"Sabihin Mong Walang Diyos" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.