Isang Dakot Na Salita, Isang Basong Gunita

Tuesday, September 05, 2006

"From Guimaras With Love"

Daniel,

Kumusta na dyan sa Maynila?
Siguro ay narinig mo na ang balita
May barkong lumubog dito sa atin
Maraming langis ang tumapon sa dagat
Nangangamba si tatang
Namamatay na raw ang mga isda
Umabot na sa pampang ang maitim na langis
Masakit sa ilong ang matalim nitong amoy
Si junior, inatake na naman ng hika
Dahil na rin siguro sa amoy ng langis
Mamaya, papunta kami ni tatang sa pampang
Babayaran kami upang linisin
Ang duming hindi sa amin galing
Two hundred pesos daw kada araw
Mabuti na rin yoon
Kahit papaano ay may maipambibili ng bigas

Lusing



"From Guimaras With Love" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.

"Mahal Na Mahal Kita"

Klishey man kung pakikinggan
Ngunit mahal na mahal kita
Lahat naman siguro ay nagmamahal
Ngunit mahal na mahal kita
Kaya rin nilang mag-alay ng buhay
Ngunit mahal na mahal kita
Marami mang katulad yaring pag-ibig ko
Basta't mahal na mahal kita
Para sa iyo ang buong buhay ko
Mahal na mahal kita



"Mahal Na Mahal Kita" first appeared on
emanilapoetry.com and is reprinted here with
consent of emanila.com pty ltd.