Isang Dakot Na Salita, Isang Basong Gunita

Monday, January 23, 2006

"Ang Tulang Walang Pamagat"

Masaya ako
Hindi ko alam kung bakit
Marahil dahil sigurado ako
Na ako'y mahal na mahal mo
Hindi ako mahilig tumula
At hindi ako mahilig gumamit
ng elipsis sa tula...
Mas lalong hindi ako sarkastiko
Hindi hindi
Hindi rin ako redundant
Hinding hindi
Lagi akong bitin magsulat ng tula...



"Ang Tulang Walang Pamagat" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.

Sunday, January 22, 2006

"May Mga Bagay Na Hindi Dapat Pag-isipan"

Ang tuyot na dahon
Sa ihip ng malikot na hangin
Ayaw ko nang uriratin
Kung saan siya nanggaling
Siya'y dahon na tuyot
Sapagkat siya'y dahon na tuyot
Kung paano, saan at bakit siya umiiral
Dapat ba talagang malaman?
Madalas ang tama ay nagiging mali
At ang mali ay nagiging tama pa
Sapagkat ang ilang mga tao
Masyadong nagmamatalino
Sinusunod lagi ang sariling prinsipyo
Gumagawa ng sarili nilang mga batas
Walang Diyos na sinasamba sa itaas
Gustong alamin ang lahat ng bagay
May sagot nga ba sa lahat ng katanungan?
Kapag tayo ba ay nagmamahal?
Nasusukat ba ng mga dangkal?
Naaarok ba ng lohika
Ang pag-ibig, ang kaluluwa?
May mga bagay na hindi dapat pag-isipan
May mga bagay na dapat pakiramdaman lang
Sapagkat tayo'y di mga Diyos
Tayo'y mga tao lamang...




"May Mga Bagay Na Hindi Dapat Pag-isipan" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.

Wednesday, January 11, 2006

"Sabay Tayo"

Masdan mo ang mundo
Ang mundo sa labas ng mundo mo
Silip na sa bintana
Bintana ng katotohanan
Bintana ng lipunan

Magliliyab na tayo
Sabay tayo
Babaguhin natin ang mundo
Sabay tayo

Lilipad tayo sa kalawakan
Sisisid tayo sa kamalayan
Kamalayan ng ating bayan
Makikialam sa lipunan
Lipunang ating ginagalawan

Sisigaw tayo
Sabay tayo
Pakikilusin natin ang mga tao
Sabay tayo

Hahawiin natin ang maiitim na ulap
Ulap na sumusulasok sa bayan
Ulap ng katiwalian
Ulap ng kamangmangan
Lalaban tayo ng patayan

Aahon tayo sa putik ng kahirapan
Sabay tayo
Huhulihin natin ang mailap na kapayapaan
Sabay tayo

Tara na, sabay tayo
Sama na, sabay tayo
Kilos na, sabay tayo
Ahon na, sabay tayo...

Sunday, January 08, 2006

"Mga Iniisip Ng Isang Tsinelas"

( )

"Mga Iniisip Habang Nagtu-toothbrush"

(eto na
ano ang iniisip ko
naisip ko na to
isusulat ko to
ang title nito
mga iniisip habang
nagtu-toothbrush
pano kaya yon
ano ang iniisip ko ngayon
ano nga ba?
toothbrush
bula
abot kamay ang langit
ang kati ng braso ko
nako!
bakit ang naiisip ko
ay kung ano ang
mga iniisip ko
naiisip ko ang naiisip ko
kinakain ako ng mga
iniisip ko
kahol ng aso
yung gate baka bukas
clorox
clorox
amoy clorox
nakakasuka!)


"Mga Iniisip Habang Nagtu-toothbrush" first appeared on emanilapoetry.com and is reprinted here with consent of emanila.com pty ltd.

"Ang Saya Ng Buhay"

Kung minsan naiisip ko
Lagi na lang bang ganito
Ako ay batong bato
Nahihibang na yata ako
Paulit-ulit ang araw ko
Paulit-ulit ang araw ko
Paulit-ulit ang araw ko

Wala na bang bago
Bago sa pag-iral ko?
Ngunit ngumiti ka lamang
Pait ng buhay ay tumatabang
Halakhak mo ay anghel ko
Dinadala ako sa langit
Puso ko'y sinusungkit

Ang saya ng buhay!
Ang saya ng buhay!
Lalo't kapiling ka
Bawat sandali ay mahalaga
Bawat saglit ay anong ligaya
Nawawala lahat ng problema
Buong kalawakan ay nagsasaya
Tumitigil ang pag-andar ng oras
Kapag hawak ko ang iyong palad
Huwihiwalay tayo sa magulong mundo
Binabalot ako ng pagmamahal mo

Tuesday, January 03, 2006

"Sa Ilalim Ng Papalubog Na Araw"

Isang hapon
Sa ilalim ng papalubog na araw
Naglalakad ako papunta sa ilog
Kasama ang aking nakababatang
kapatid na babae
Malamig ang simoy ng hangin
Hindi tanaw ang araw
dahil sa bahagyang makapal na ulap
Papalubog na ang araw
Palukso-lukso ang kapatid kong babae
Marahang dumarampi sa aking
mukha ang malamig na simoy ng hangin
Pagkatapos
Sa isang iglap
Sumabay sa araw ang isang batang lalaki
Kasabay siyang lumubog ng araw
Ang batang lalaki ay tila kilala ko
Pagkatapos ay parang may narinig akong tawanan
Mga tawanan ng aking mga kalaro dati
Mga imahe
Takbuhan
Pag-akyat sa puno
Kagalakan sa lahat ng bagay
At pagkatapos
Kadiliman
Lumubog na ang araw

Monday, January 02, 2006

"Bagong Taon, Bagong Buhay?"

Malapit nang malagas
Mga huling araw ng taong lilipas
May mga bagay na matatapos
May mga bagay na magsisimula
Mga puso’t damdamin
Nagagalak sa bagong taong darating
Malapit na ang panahon ng pagbabago
Sa paparating na taong ito’y
Pagbubutihin ko

Gigising na ng maaga
Mga deadlines ko ay susundin na
Bagong hairdo ay isasakatuparan
Crush ko sa kanto ay liligawan
Manok sa Bugong akin nang titikman
Babasahin na ang bagong nobela
Aaralin na ang bagong kanta
Mas magiging palakaibigan na
Yung kaaway ko ay ngingitian pa
Mamasdan nang parati
Sinag ng araw sa umaga
Malamig na simoy ng hangin
Akin nang lalanghapin
Mag-eexercise na
Tuwing linggo palagi nang magsisimba
Sa gabi ay magdadasal na
Sa umaga magtotoothbrush na (joke)

Kayraming gustong gawin
Sa taong darating
Ngunit tuwing bagong taon lang nga ba
Ang ating damdamin ay dapat sumigla?
Tuwing bagong taon lang nga ba
Mas magandang magsimula?
Panahon ay lumilipas
Mga segundo’y nawawaldas
Bawat saglit ay mahalaga
Kahit bagong taon ay malayo pa
Mga ibig gawin ay gawin na
Mga pangarap ay isabuhay
Mga tula ay isulat
Mga pag-ibig ay ipagtapat
Mga awit ay awitin
Mga pasasalamat ay sambitin
Tunay na bagong taon ay ngayon din.
Bagong buhay, kahit kailan ay pwedeng kamtin.